Monday, June 18, 2012

Langay-Langayan


Binitiwan mo ang aking kamay.

Ramdam ko ang pagkuyakoy nito sa hangin.

Tumitig ka sa kawalan. Isang napakagandang dapithapon. Nanatili akong nakatitig.

Alam kong alam mo na nakatingin ako sa'yo. Pinili mong hindi suklian ang aking mga tanaw.

Nagalis ako ng tingin. Tinahak ng aking mga mata ang naranjong dapithapon na kanina mo pa pinagmamasdan. Nakita ko ang mga langay-langayang patuloy na lumilipad, magkakasama, ngunit hindi alam kung saan talaga maninirahan.

Rinig natin ang mahinang hunta ng hangin. Ito ay nakikiramay sa atin.

Muli, pinilit kong hawakan ang iyong mga kamay, nakaramdam ako ng marahang pagtanggi. Ngunit mapilit ako, muli, magkahawak ang ating mga kamay. Ramdam ko ang iyong init.

Nakita ko ang pagangat ng iyong dibdib, ikaw ay humugot ng isang buntong-hininga. Kasunod nito ay ang paguhit ng isang pilit na ngiti.

Patuloy ang pagihip ng hangin. Kita natin ang pagbabago ng kulay ng langit, kung kanina ay matingkad na naranjo ito, ngayon ay makikita mo na ang lila rito, signos na nanaig na ang dilim sa liwanag.

Muli, may mga langay-langayang malayang lumipad sa kalangitan.

“Aalis na ako, magiingat ka lagi.”

“Sigurado ka na ba?”

Napalunok ako.

“Oo. Pasensya ka na.” kaswal mong sabi

“Magiingat ka.”

“Salamat.”

Tinanggal mo ang iyong kamay sa akin. Marahan kang naglakad papalayo. Naiwan akong nag-iisa. Tumingala ako sa kalangitan, naabot pa ng aking paningin ang mga langay-langayan. Papalayo ng papalayo. Papaliit ng papaliit. Hanggang sa naging tuldok.

Parang ang naging pag-ibig natin, lumipad tayo ng sabay, sinalag ang lakas ng hangin, ngunit kinapos, kaya naging tuldok nalang sa ngayon at mala-ube ng langit.

Ako ay napabuntong-hininga. Tuluyan ng kumawala ang luhang kanina pa nagkukubli.

W A K A S

No comments: