Saturday, November 12, 2011

Kailangan Kita: Kabanata 1


Kailangan Kita

Kabanata 1: Tulak ng Pangangailangan


Mataas ang sikat ng araw noon, kahit na nga ba humahangin ay hindi pa rin sapat upang patigilin ang pagtagaktak ng pawis ni Camillo. Papunta siya sa isang paaralang wala naman talaga sa kanyang loob na pasukan, kinailangan lamang niya dahil sa hindi siya natanggap sa eskwelahang kanyang matagal nang pinapangarap.


Puno ng kasawian ang kalooban ni Camillo ng mga oras na iyon, sa kabilang banda iniisip at pinipilit na lang niya sa kanyang sarili na ang karanasang ito ay ang gusto ng Panginoon para sa kanya.

Maraming tao na labas-masok sa tarangkahan ng paaralang iyon. Ang mga mag-aaral, dalub-guro, at aplikante upang maging bagong estudyante ay sa may maliit na gate nagdaraan na matatagpuan sa kaliwang bahagi ng isa pang malaking gate kung saan pinapapasok ang iba’t ibang uri ng mamahaling sasakyan na isang ebidensya na ang institusyong papasukan ni Camillo ay hindi lamang simpleng paaralan kundi isang sikat, popular at puno ng mga mayayaman. Pero hindi na iniisip pa ni Camillo ang mga bayarin, dahil naipasa naman niya ang iskolarsyip sa institusyong ito.

Matapos niyang magsulat sa logbook ng security guards sa may guardhouse na matatagpuan sa daanan ng mga tao upang masigurado ang seguridad, nagtungo siya sa Center for Admissions and School Relations upang magpasa ng kanyang mga papeles at magtanong tungkol sa mga hakbang ng kanyang enrollment.

Katunayan, kagagaling pa lamang niya sa simbahan kung saan siya bininyagan upang kumuha ng patunay na siya ay Kristiyano. Medyo nahirapan nga si Camillo sa pagkuha sa kadahilanang ang petsa kung kalian siya idineklarang Kristiyano ay parehong nakalimutan ng kanyang ama’t ina. Sinubukan niyang tanungin ang kanyang lola subalit hindi rin nito alam ang isasagot sa apo.


Minabuti na lamang ni Camillo na manghula ng taon at 1995 ang unang pumasok sa kanyang isipan. Hinanap ito ng nasa window pero wala.


Wala na siyang maisip.

“Baka naman 1994?” bulong ni Camillo sa sarili.

Sinabi niya ito sa babaeng nasa window at jackpot, tama ang hula niya. Disyembre 18, 1994 siya bininyagan.

Print. Stamp. Sign. Bayad ng 50 pesos. At nakuha na ni Camillo ang pinakahuling papel na kailangan niya para sa kolehiyong kinailangan lamang niyang pasukan.

At ito na nga siya sa tapat ng pintuan ng CASR (Center for Admissions and Schools Relations), ito na ang pinakaunang hakbang para makamit ang kanyang pangarap                   ang maging isang tanyag na manunulat at makapagbukas ng isipan gamit ang kanyang panulat.

Bubuksan na sana ni Camillo ang pintong yari sa salamin ng may isang lalaking boluntaryong nagbukas nito para sa kanya. Dahil dito, natigilan siya at napako ang mga paa sa kinatatayuan.

“Good afternoon po!” bati ng lalaking may katangkaran ng kaunti kay Camillo. “How may I help you?”

Nanatiling nakatanga si Camillo dahil sa inasal ng nakitang nilalang sa kanyang harapan..

“Grabe...” sabi ni Camillo sa sarili. “Parang artista ang mga tao rito...nakakahiya naman...”

“Ahhm...Sir?” nagtatakang tanong ng lalaki kay Camillo. “Tuloy po-“

Hindi pa man natatapos ng lalaki ang kanyang sasabihin, biglang umalis si Camillo at tinungo ang palikuran ng nakayuko.

“Nakakahiya naman dito...mukha pa akong marungis...amoy araw pati...mag-aayos na muna ako.”

Minabuti muna ni Camillo na mag-ayos ng sarili bago pumanik sa CASR. Nais niyang maging presentable sa lahat ng taong nasa loob ng opisinang iyon at gusto niya makipantay sa ayos ng mga taong makakasalamuha niya araw-araw.


“Anong problema no’n?” nagtatakang turan ng lalaking iniwan ni Camillo. “Gwapo sana...suplado nga lang.” Sabi nito habang nakanguso sa tonong lalaking-lalaki at pagkatapos ay bumalik sa ginagawa.

Si Camillo Guillen Montallban ay ipinanganak noong ika-27 ng Setyembre, 1994. Maagang naulila sa ina na ngayon ay kasalukuyang naninirahan sa Laguna kasama ang panibago nitong pamilya. Oo nga’t nariyan ang kanyang ama, subalit mas minabuti ni Camillo na manalagi sa kanyang lolo at lola dahil sa ilegal na gawain ng nauna.

Hindi rin pahuhuli si Camillo sa usapang katalinuhan at kagwapuhan. Kahit na nga ba galing siya sa isang mahirap na pamilya, kapag siya’y iyong tiningnan, aakalain mong kasapi siya ng marangyang pamilya dahil sa puti ng kanyang kutis at magandang tindig. Nagpapaangat din sa kanyang kagwapuhan ang suot niyang walang gradong salamin ngunit nagbibigay sa kanya ng impresyong pagkamahiyain.


Pabalik na si Camillo sa CASR. Dumaan siya sa gilid nito. Siguradong makikita mo ang tao sa loob dahil sa salamin nitong pader. Habang binabagtas niya ang gilid ng opisina napansin niyang mayroong isang lalaki na nasa harap ng kompyuter na nakatitig sa kanya. Sinusundan siya nito ng tingin hanggang sa marating niya ang pintong yari sa salamin.

Bubuksan na ni Camillo ang pinto ng mapansing humangos ang lalaking nakatitig sa kanya na ngayon ay papunta sa kanyang lugar.


“Naku!” sigaw niya sa kanyang isip. “Ayan na naman si kuya. Kaya ko naman kasi ang magbukas ng pinto...” bulong ni Camillo.

Agad na tinulak ni Camillo ang pinto. Nabuksan na niya ito ng dumating ang lalaking may tindig na para bang isang modelo ng mga damit.


Humakbang si Camillo, huminto ang lalaki sa kanyang harapan, naamoy agad ni Camillo ang pabango ng binata. Walang kaalam-alam si Camillo na napapapikit na pala siya habang inaamoy ang lalaki. Iniangat rin niya ang kanyang mukha habang walang malay na lumalapit na pala ang mukha niya sa malapad na dibdib ng nasa harapan.


“Ahh...Sir?” tanong ng binata.


Bumalik sa ulirat si Camillo ng marinig ang baritonong boses. Napatayo siya ng diretso dahil sa pagkabigla.


“Ah...eh” naibulalas ni Camillo. Hindi siya makahanap ng maidadahilan, hindi niya rin matignan ng diretso ang nasa harapan.


Kung titingnan naman ang lalaki, tila natutuwa pa ito sa nangyaring paglapit ng mukha ni Camillo sa kanyang dibdib. Siguro kung sa iba nangyari ito, malamang na naitulak na si Camillo palayo.


“I’m Ron.” nakangiting pakilala ng lalaki habang inilalapit ang kanang kamay kay Camillo.


Natulala na lang si Camillo dahil sa kaninang kahihiyan. Hindi niya agad nakuha ang gustong mangyari ng lalaki sa pag-abot nito ng kamay.


“Huh?” ani Camillo ng tumingin ng may pagtatanong kay Ron.


“What’s yours?” natawang kaunti na tanong ni Ron.


Wala pa ring imik si Camillo. Inabot na lamang ni Ron ang kanang kamay ni Camillo, hinila ito ng marahan palapit sa kanyang kamay at pinaglapat ito.


“Ah...” sabi ni Camillo ng makuha ang nais ni Ron. “I’m Camillo.” sambit niya ng may pilit na ngiti dahil sa pagkapahiya.

^^^^^^^^^^

fernandzsteppingstones.blogspot.com

1 comment:

Anonymous said...

Emphasis on 30 minute higher intensity workouts.


Feel free to surf to my web page ... bowflex selecttech 552 adjustable dumbbells pair