Note:Personal. :)
***
Nangangatog kang naglalakad pauwi sa inyong mumunting tahanan. Suot ang iyong makutim na uniporme, kita sa iyong mga mata ang labis na pagkabagabag. Hindi mo alam pero patuloy kang nilalamon ng takot. Ayaw mong umuwi sa iyong tahanan.
Makakasalubong mo ang isa sa iyong mga kamagaral. Kinakausap ka nya ukol sa inyong takdang aralin ngunit walang pumapasok sa iyong sistema. Sumisimangot na siya sayo ngayon at iniiisip na wala ka sa sarili. Naglalakad na sya papalayo sa'yo. Hindi mo namamalayan na nakalagpas na pala sayo ang iyong kaklase.
Tumitingin ka sa kalangitang patuloy na pinipintahan ng kahel na dapithapon. Nagbubuntong-hininga ka. Alam mong ayaw mong umuwi sa inyong tahanan pero dapat.
Nangingilid ang luha sa iyong mga mata. Kulang nalang ay maihi ka sa shorts na iyong suot. Inaayos mo ang kalabaw na nagsisilbing panali sa telang nakakabit sa iyong leeg dahil ngayon ay araw ng Biyernes, araw para manumpa ang mga gaya mong cab scout.
Nakikita mong papalapit sayo ang iyong kinatatakutan. Nananatili kang nakatayo, hindi dahil sa inaantay mo sya makalapit sayo, kundi dahil hindi ka makakilos dahil sa takot na nararamdaman mo.
Tulad ng iyong inaasahan, nararamdaman mo na ang mga kamay na yon. Patuloy ka nyang pinipingot habang siya ay naglalakad patungo sa inyong bahay. Wala kang ibang magagawa dahil kung lalaban ka, alam mong mabigat ang kamay nito. Kayang-kaya ka nyang suntukin. Tinitiis mo lahat ng pingot. Tinitiis mo lahat ng mga matang nakatingin habang hawak nya ang mumunti mong tainga. Pinipigilan mong umiyak. Isa kang Cab Scout. Ang mga Cab Scout ay matapang, at hindi umiiyak.
Naririnig mong binubukas nya ang kahoy na pinto ng inyong bahay. Nararamdaman mo ang kanyang mga kamay sa iyong katawan. Tinutulak nya ang iyong katawan papasok sa loob.
Pinapaulanan ka nya ng suntok. Hindi ka lumalaban. Sumasayad ang kanyang matigas na kamao sa iyong sikmura. Napapaigtad ka sa sakit. Nararamdaman mo na ang pangingilid ng luha sa iyong mga mata.
Hindi mo na napipigilan. Tumutulo na ang iyong mainit na luha. Nabawasan ang iyong pagiging Cab Scout. Umiiyak ka na.
Hindi pa sya nakukuntento. Kinukuha nya ang kahoy na panungkit ng mga sinampay. Nakikita mo ang isang demonyo sa kanyang mga mata. Hindi mo pa ring magawang lumaban. Nararamdaman mo ang pagtama ng kahoy sa iyong katawan, sa iyong tagiliran, sa iyong ulo, sa iyong mga binti, sa iyong labi. Nararamdaman mo ang matinding sakit at panghihina. Tumutulo pa rin ang iyong mga luha.
Naririnig mo ang kanyang mga hiyaw. Alam mo na nakikinig ang mga kapitbahay. Nakakaramdam ka ng sobrang panlulumo at panliliit, alam mo na paguusapan na naman nila ang iyong pasaang katawan at mukha.
Sumisigaw siya. Palakas ng palakas. Hindi mo na naririnig lahat ng kanyang sinasabi. Bumabaha na ng luha ang iyong mga mata.
“Bakla! Bakla! Salot!”
Inaangat ka nya mula sa iyong pagkakadapa sa sahig. Hinang-hina ka na. Banaag sa iyong mga mata ang malaking pagtataka at galit. Makikita rin dito ang lungkot.
“Tama na po, Kuya.”
Mahina mong sinasabi.
“Bakla! Mamatay ka! Bakla!”
“Ma-masakit po. Ta-tama na.”
Dumadaing mong sabi.
Tumititig sya sakin. Nakikita mo na paparating ang kanyang matigas na kamao. Tumatama ito sa iyong kanang mata. Nawawalan ka na ng malay.
Nararamdaman mo ang malamig na semento sa iyong bubot na katawan. Ang iyong makutim na uniporme ay nahahaluan na ng sariwang dugo mula sa duguang labi.
Isa kang Cab Scout. Matapang. Lumuluha pero kahit kailan hindi sumusuko.
W A K A S
4 comments:
...feeling ko ako yung nsa story..kinilabutan ako...^^
aw. navisualize ko bigla.. hays. iba ka talaga magsulat sweetie. whew
Heartfelt indeed...
Parang ganyan parati pinagdadaanan ng mga katulad natin... Kailangang pagdaanan ang sakit na pisikal at emosyonal upang kalaunan maging matatag at manhid sa iba pang hamon at pasakit.
Post a Comment