Kailangan Kita
Kabanata 4: Unang Pag-ibig, Unang Pighati
“Camillo!” sigaw ng isang pamilyar na boses kay Camillo na nagmumula sa kanyang likuran.
Dahil dito, napalingon si Camillo na noon ay lalabas na sana upang makauwi.
“Karen?” hindi makapaniwalang anas ni Camillo.
Hindi na nagsalita pa ang babae. Tumakbo ito palapit kay Camillo saka niyakap ang binata.
“Ito naman...nakalimutan na agad ako.” maarteng turan ni Karen. “Dito na rin ako mag-aaral, nandito ka kasi eh...”
“Ah...na-miss mo ako ‘no?” pagbibiro ni Camillo.
“Hindi kaya...”
“Kaya pala kung makayakap ka...” natawa si Camillo saka tinapos ni Karen ang pagkakabigkis sa binata. Natawa na lamang sila pareho.
“Uuwi ka na?” tanong ni Karen.
“Oo eh...” sagot ni Camillo. “Sige, good luck na lang.”
“Sige...” pagtatapos ni Karen sa usapan. “Bye!”
Saka tumalikod si Camillo at walang tingin-tingin na kumaway-paalam kay Karen.
Si Karen Gonzaga Piedad ay ang dating kasintahan ni Camillo noon pang tinatahak nila ang 2nd year high school. Dahil sa inakalang lihim ni Camillo, labis-labis na sakit ang kanyang nadama kaya napagdesisyunan niyang putulin na ang bagay na namamagitan sa kanila. Lalong naging mapait ang lahat ng malamang wala namang katotohanan ang lahat ng kanyang mga inaakusa at nagawa pa siya nitong ipaglaban.
“Nakita niyo ba si Camillo?” tanong ni Karen sa mga kaklase. “Kanina ko pa hinahanap eh...”
“Si Camillo ba?” balik na tanong ng isa sa kanyang mga kaklase saka panandaliang nag-isip. “Hindi namin napansin eh...”
“Ah...ganon ba?” malungkot na si Karen.
“Pero nakita ko siya, kasama ‘yong bestfriend niyang 3rd year.” sabat ng isa.
“Ah..oo nga ‘yong gwapo...Leo yata ang pangalan.” sali pa sa usapan ng isa.
“Ah...sige, hahanapin ko na lang sila.”
“Wow! Ang sweet naman!” halos sabay-sabay na sambit ng mga kaklase niyang babae.
“Kailan mo ba hihiwalayan si Karen?” tanong ng isang lalaki.
“Anong sinasabi mo, Leo?” si Camillo.
“Mahal na mahal kita Camillo, sana pagbigyan mo ako, hindi na ako makapaghintay.” naluluhang si Leo.
“Mahal din kita, Leo...” naaawang sabi ni Camillo habang hawak ang mukha ni Leo.
Napansin nilang gumalaw ang pinto kaya sabay silang napatingin dito. Lumabas si Camillo, wala siyang nakita, pumasok siyang uli at nagpatuloy sa mga dapat sana’y sasabihin.
“Mahal kita, pero bilang kaibigan lang...” pamimilit ni Camillo. “Sana maintindihan-“
Subalit hindi pa man natatapos si Camillo sa litanya, umalis si Leo at minabuting mapag-isa. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.
Lumabas na rin si Camillo sa kwartong iyon. Naglalakad siya sa isang pasilyo ng makita ang kanyang kasintahan na malungkot. Masaya siyang lumapit dahil alam niyang naipaglaban niya ang pag-ibig dito, pero nagulat siya dahil sa ginawang pagsampal ni Karen sa kanya.
“B-bakit?” nagtatakang tanong ni Camillo habang nakahawak sa kanyang kaliwang pisngi.
“Wag ka ng magsalita!” kumawala na ang emosyon na pinipilit na pigilan ni Karen.
“Wala akong ginagawa...”
“Anong wala?! Ano ‘yong mga narinig ko kanina?!”
“Mali ‘yong iniisip mo, Karen...”
“Wala na tayong dapat pag-usapan.” saka tumalikod si Karen.
Hinawakan siya ni Camillo sa braso nang mag-umpisa siyang humakbang. Humarap siya at mabilis na sinampal ulit ang nobyo.
“Para ‘yan sa sakit na binigay mo!” tumalikod ulit si Karen at humakbang palayo, subalit ilang sandali pa at humarap siya ulit. “Oo nga pala, kailangan ko ng talino mo kaya sinagot kita, hindi talaga kita mahal, hindi na kita kailangan. At pinagsabay ko kayong dalawa ni Mark. Hindi ko lubos maisip na bakla ka...nakakadiri ka...I hate you!” saka umalis.
Naiwan si Camillo na dinaramdam ang isang sikreto na galing mismo sa kanyang pinakamamahal.
“Kung alam mo lang, Karen...”
Napag-alaman ni Camillo na mayroon ngang relasyon si Mark at si Karen. Pero ang hindi niya alam ay naging magkasintahan lamang ang dalawa matapos nilang maghiwalay ni Karen.
Dahil sa naidulot na sakit ni Karen kay Camillo, napag-isip-isip ni Camillo na hindi si Karen ang para sa kanya, kaya hindi na siya nagmahal ulit, ayaw na niyang maranasan pang muli ang kakaibang sakit, pait, at pighati, at napagpasyahang maghintay na lamang.
Si Karen nama’y pinilit na mahalin si Mark, ngunit hindi niya talaga magawang kalimutan si Camillo lalo pa’t hindi naman nagkaroon ng relasyon sina Camillo at Leo. Isa pa, nang kumprontahin niya si Leo, nalaman niyang ipinagtanggol siya ng dati niyang nobyo.
Subalit nangyari na ang lahat ng mga pagkakamali, nasaktan na niya si Camillo. Alam niyang hindi na ito kailan pa babalik sa kanya, ngunit umaasa pa rin ang kanyang puso sa kakatiting na posibilidad.
Sa kabutihang palad, kinalimutan ng sawing magkasintahan ang mga dapat nang kalimutan at ipinagpatuloy ang pagtahak sa daan na nakahanda na para sa kanila, subalit hindi rin nila maiwasang makapag-usap at magkrus ang kanilang landas kaya nabuo ang isa pang bagay ang pagkakaibigan.
Samantala, patawid noon si Camillo sa pedestrian lane nang may tumulak sa kanya.
Sobrang bilis ng mga pangyayari. Tunog ng busina at sigawan ng mga tao ang tangi na lamang niyang nasaksihan. Saka niya napagtanto na muntik na pala siyang masagasaan ng makita ang isang motoristang nagagalit sa kanya.
“Kung magpapakamatay ka, ‘wag kang mandamay!”
Ngayon ang takot ay napalitan ng kakaibang damdamin ng malamang nakapailalim siya sa isang lalaki na nakayakap sa kanya ng mahigpit. Biglang bumagal ang takbo ng oras. Nararamdaman ni Camillo ang mabilis na pagtibok ng puso ng lalaki. Damang-dama niya ang mabangong hininga nito na dumadampi sa kabuuan ng kanyang mukha. Ang init na nagmumula sa katawan nito ay tila bumubuo ng isang emosyon na bago para kay Camillo. Isa pa, maliban sa hininga ng lalaking nakapaibabaw sa kanya, mayroong isang amoy na parang naamoy na niya kailan lang. Isang kaaya-ayang amoy na kayang pawiin ang panginginig ng kanyang katawan dala ng aksidente kasabay ng pagkatunaw ng tanikala sa kanyang puso na nagbabawal sa kanyang umibig lalo pa’t sa kapwa niyang lalaki.
^^^^^^^^^^
fernandzsteppingstones.blogspot.com
^^^^^^^^^^
fernandzsteppingstones.blogspot.com
No comments:
Post a Comment