Kailangan Kita
Kabanata 5: Unang Halik
Nang mapansing nakatitig ang lalaki at hindi nagbabawi ng tingin, nakaramdam ng hiya si Camillo at ibinaling ang mukha sa kanyang kaliwa upang maiwasan ang nakatutunaw na mga titig ng binata.
“Ang bigat mo...” mahinahong reklamo ni Camillo.
“S-sorry...” nagmamadaling tumayo mula sa pagkakapatong kay Camillo si Ron. Hindi lingid sa kanya na kanina pa silang dalawa na magkapatong. Nakaramdam din ng hiya si Ron sa ikinilos.
Sinundan ni Ron si Camillo kanina upang mag-espiya sa binata. Hindi rin alam ni Ron sa kanyang sarili kung bakit ba interesadong-interesado siya sa binatang kailan lamang niya nakilala. Nag-out pa nga siya sa kanyang duty para lamang masundan kung saan ito tutungo at malaman na rin ang tirahan nito. Naglalaro sa kanyang isip kung anong uri ng tao si Camillo, at alam niya na lubos na nakaaapekto ang paligid na ginagalawan ng isang nilalang sa kanyang pagkatao.
Tinulungan ni Ron si Camillo na tumayo. Iniabot niya ang kamay sa nakatihayang si Camillo. Nang maglapat ang kanilang mga kamay, tila bumagal ulit ang takbo ng oras, may kung anong bagay na dumaloy mula sa kanilang mga palad patungo sa kanilang braso na tumutulay papunta sa kanilang mga puso.
Ayaw ni Ron ang ganoong pakiramdam kaya bigla niyang binitiwan si Camillo na noo’y nasa akto na ng pagtayo. Walang anu-ano’y natumba si Camillo na halatang nagdulot ng sakit sa kanyang likuran.
“Ahh...” sigaw ni Camillo habang nakagusot ang mukha at hinihipo-hipo ang kanyang p’wetan.
“Sorry...” nag-aalalang paumanhin ni Ron saka iniabot muli ang kanyang kamay upang tulungan si Camillo na muling tumayo.
“Ewan ko sa’yo!” sigaw ni Camillo kasabay ang paghawi sa kamay ni Ron, halata sa mukha nito ang pagkagalit. “Mag-aabot ka ng tulong, tapos bibitiwan mo ako, ang sakit kaya. Lakas din ng trip mo no?”
“Hindi ko naman sinasadya...” sabi ni Ron na hindi man lang makatingin kay Camillo kaya iniyuko na lamang niya ang ulo.
Tumayo si Camilllo ng mag-isa. Nawala na rin ang masa ng mga usisero at usiserang nabuo ng dahil sa aksidente.
Dahil sa galit ni Camillo, hindi niya tinanggap at pinansin ang latag ng mga salita ni Ron. Ikaw ba naman ang tulungang tumayo, pero bigla ka rin namang bibitiwan, hindi ka ba magagalit?
Tumakbo si Camillo. Hinabol siya ni Ron. Binilisan pa ni Camillo na minsa’y nakabubunggo ng mga naglalakad. Para silang magkarelasyong naghahabulan sa gitna ng maraming tao. Nahuli ni Ron ang braso ni Camillo, subalit hindi naging mahigpit ang pagkakahawak niya rito kaya nakawala si Camillo.
Hindi pa rin natitinag si Ron kaya hinabol pa rin niya si Camillo. Hindi mawari ni Ron kung bakit ba pilit niyang sinusundan ang binatang si Camillo, p’wede na naman niyang iwan ito dahil wala naman silang kung anong koneksyon sa isa’t isa at alam din naman niyang magkikita sila bukas sa parehong office, basta gusto niyang humingi ng paumanhin sa lalaking nagdulot at nagdudulot sa kanya ng kakaibang damdamin.
Nakaisip ng ideya si Camillo. Ililigaw niya si Ron. Nagsuot si Camillo sa iba’t ibang lagusan. Subalit magaling si Ron sa habulan. Ipinagpatuloy ni Camillo ang pagpasok sa mga lagusang ngayon lamang niya nadaraanan.
“Hindi baleng maligaw ako...mawala lang sa landas ko ‘tong lalaking ‘to...bakit ba kasi sinusundan pa niya ako?” tudyo ng isip ni Camillo.
Nagpatuloy ang habulan, lumiko si Camillo sa isang pasilyo.
“Ahhh...s**t!” sigaw niya sa isip.
Mali ang ginawang pagliko ni Camillo sa parteng iyon ng lungsod. May isang malaking pader ng isang bahay-paupahan ang nakaharang sa daan, dead end ika nga. Madilim ang lugar. Walang taong naglalakad-lakad sa paligid. Walang sasakyang nagdaraan, isa pa’y tahimik din ang lugar.
Pagkapihit ni Camillo upang lisanin ang lugar, nakita niya si Ron na hihingal-hingal at magkasalubong ang kilay. Kitang-kita sa mukha nito ang galit. Ibang-iba ito sa Ron na una niyang nakilala sa CASR.
Lumalapit si Ron at dahan-dahan, humahakbang si Camillo patalikod kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso na sanhi ng takot.
“Patay...nagalit ko yata si Kuya Ron...ikaw naman kasi Camillo, p’wede mo namang tanggapin ang sorry niya, pinahabol mo pa ‘yong tao...”
Narating ni Camillo ang dulo. Ngayon nga ay nakalapat na ang kanyang likod sa pader.
Nakaisip na naman ng paraan si Camillo. Nakita niyang may uwang ang kaliwang bahagi ni Ron na sapat na upang magkasya siya. Plano niyang tumakbo sa espasyong ito upang makaiwas kay Ron na ngayon ay seryoso na ang mukha.
“One, two, three...”
Tumakbo si Camillo papunta sa gilid ni Ron, subalit naging maagap si Ron at nakuha niya ang gustong mangyari ni Camillo. Nang malapit na si Camillo, bigla niyang iniharang ang kanyang kaliwang braso habang nakalapat ang kanyang palad sa pader. Nabunggo dito si Camillo na ngayon ay todo ang kaba.
Inilapat pa ni Ron ang kanan niyang braso upang kulungin si Camillo. Kasalukuyang nakapagitna si Camillo sa dalawang malamang braso ni Ron na ngayo’y kaharap na niya. Malapit na malapit ang mukha nila sa isa’t isa.
Inilapit pa ni Ron ang mukha sa mukha ni Camillo hanggang sa magkadikit ang kanilang mga noo.
“Bakla ka ba?” panimula ni Ron na seryoso ang tono at mukha. “Takbo ka ng takbo eh...”
“Hindi ah...”
“Bakla ka...” pamimilit ni Ron.
“Hindi nga eh!” sigaw ni Camillo. “Baka ikaw?”
“Ako bakla? Hindi mo alam ang sinasabi mo p’re.” halata ang lalong pagkagalit ni Ron ng marinig ang bintang ni Camillo.
“Kitams? Ikaw ang bakla.” determinado ngunit takot na sabi ni Camillo. “Nagagalit ka eh...ang tunay na lalaki, pagsinabihan mo na bakla eh hindi nagagalit kasi alam niya sa kanyang sarili na lalaki siya.” tuluy-tuloy na sambit ni Camillo. “At mas-“ natigil ang mabilis na pagsasalita ni Camillo.
Inangkin ni Ron ang mga labi ng binatang si Camillo. Nagulat si Camillo sa ginawa ng binata. Naramdaman niyang iginagalaw ni Ron ang mga labi nito na kasalukuyang nakahinang sa kanyang mga labi. Pero itinigil din agad ni Ron at kumalas sa napipintong mapusok na halikan.
“Kilala...niya...ang...sarili...niya...” putul-putol na pagpapatuloy ni Camillo sa dapat sana’y sasabihin niya kanina.
Nabalot ng katahimikan ang paligid. Ilang sandali pa ay nagsalita na si Ron.
“Ba’t natahimik ka?” ipinakita niyang wala lang sa kanya ang nangyari. “Walang makakaalam nito ha?”
Hindi pinansin ni Camillo si Ron. Umalis siya at hindi na lumingon pa. Hinayaan na rin siya ni Ron na makaalis. Naisip ni Camillo na sa halip na humingi ng paumanhin si Ron, hiningian pa siya nito ng pabor.
Ngayon ay naiwang nakayuko si Ron habang nakasandal sa pinagkasandalan ni Camillo kanina.
“Bakit ko ginawa ‘yon?” tanong ni Ron sa sarili. “Baliw kang Ron ka, mamaya baka kung anong isipin no’n. Hindi p’wede ‘to! Ayoko...hindi ako....ahhh...” hindi matuloy ni Ron na bigkasin ang salitang ‘bakla’. “Bakit ba kasi dumating ka pa sa buhay ko? Sana lumipat ka na lang ng school. Maaalis din kita sa landas ko.” Paiba-ibang emosyon na turan ni Ron. “Sorry, pero
Kailangan lang talaga, Camillo...”
Gusto lang sanang takutin ni Ron si Camillo pero magso-sorry din naman siya dito. Nais niya lang sanang pagmukhaing biro ang mga bagay-bagay, ang mag-galit-galitan, subalit nagbago ang lahat sa isang halik, sa kanilang unang halik.
^^^^^^^^^^
fernandzsteppingstones.blogspot.com
^^^^^^^^^^
fernandzsteppingstones.blogspot.com
No comments:
Post a Comment