Thursday, December 29, 2011

Kailangan Kita: Kabanata 6



Kailangan Kita
Kabanata 6: Pugad ng Kahirapan

“Mano po, ‘La.” sabay abot ni Camillo sa kamay ng kanyang lola na idinampi niya sa kanyang noo.

“O, bakit malungkot ang mukha ng apo ko?” tanong ni Lola Carmina na nangakasuot ng pulang duster.

“Wala po ito, ‘La.” sabay ngumiti ng pilit si Camillo.

“Sabi mo ‘yan eh...” parang bata na turan ng matanda. “Pero kung may problema ka, sabihin mo lang ha...”

“Opo...” magalang na sagot ni Camillo. “Siya nga pala, ‘La, ayos na po ang lahat.” panandaliang huminto ang binata saka nagpatuloy sa pagsasalita. “Kaso, may one (1) week training pa ako para sa designated office ko. Kailangan ko kasing mag-work ng 16 hours kada linggo in return sa tulong nila sa ’kin...”

“Anong kaso do’n?” tanong ng matanda na nakaupo sa isang upuan habang nag-gagantsilyo. “Kaya mo naman ‘yon ‘di ba, apo?” pagpapalakas ng loob na wika ni Lola Carmina para sa apong si Camillo.

“Salamat, ‘La...” napayakap si Camillo kasabay ng pagbagsak ng kanyang luha sa kanyang Lola Carmina na naging ina na niya simula sa pagkabata. “Mabuti pa kayo, concern sa future ko...mabuti pa kayo, iniisip niyo ang kalagayan ko.”

“Huwag ka nang umiyak, ang pangit mo kasing umiyak eh...” pagbibiro ng matanda.

“Lola naman...nag-e-emote ‘yong tao...” nagsisimula ng ngumiti ulit si Camillo. “Bibili na po pala ako ng uniform para sa picture-taking para sa scannable I.D.”

“Punta ka sa Lolo mo, sa kanya ka na raw humingi.”

“Huwag na po, ‘La, kay Papa nalang. I-save niyo nalang po para sa gamot niyo.”

Umalis na si Camillo para hindi na mapilit pa ng kanyang Lola Carmina.

^^^^^^^^^^

Nakasakay sa dyip si Camillo habang iniisip ang halik na ninakaw sa kanya ni Ron. Nawawalan siya ng gana na pumasok dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari.

^^^^^^^^^^

“Mà, para po!” tawag ni Camillo sa atensyon ng tagamaneho ng dyip na kanyang kinalululanan para ihinto ang sasakyan

Huminto ang sasakyan sa isang parke, maraming taong naglalakad, maraming sasakyang nagdaraan, ‘di mabilang ang mga barung-barong, naglipana ang mga kalat, mga papel, bote ng inumin, supot ng mga pagkaing walang sustansya at maraming batang naglalaro sa may isang parte ng parkeng iyon. May mga binatilyong walang pang-itaas na nangakaupo sa isang pahabang silya at pinalilipas ang gabi sa tulong ng mga nakalalasing na inumin.

Sa harap ng parke, mayroong isang gasolinahan na may katabing isang unibersidad at mga kantina.

Dumaan si Camillo sa umpok ng mga binatilyo. Kilala niya ang mga ‘to at maging ang mga lalaki ay kilala rin siya dahil sa kanyang ama na popular sa lugar na iyon. Tanyag ang kanyang ama sa liblib na lugar na iyon dahil ito ang pinagkukunan ng mga tao roon ng isang bagay na kung tawagin nila ay ‘bato’ na naihahanay sa listahan ng mga ilegal na gamot.

“Ayan na si Mr. Pogi oh...” sambit ng lasing na lalaki. “Isang shot lang oh...”

“Hindi na, kayo na lang.” mahinahong si Camillo dahil ayaw niyang makabuo ng away.

“Sige na...” inilalapit ng binatilyo ang isang maliit na baso kay Camillo.

“Hindi na nga po...” saka hinawi ang baso ng alkohol na iyon.

“Hoy! Ano ‘yan?!” sigaw ng isang tanod kung kaya naman huminto na ang binatilyo sa pangungulit kay Camillo. “Sige na, Camillo.”

“Salamat po, Mang Ben!”

Oo, ito ang pamayanang sinilangan ni Camillo, datapwa’t ito rin ang pamayanang pilit niyang tinatakasan noon.

Pilit niyang kinakalag ang mahigpit na kalawanging bakal na nakapulupot sa kanya         ang iwan ang kanyang ama ng mag-isa at hayaan itong gawin ang napasukang trabaho.

Mahirap para kay Camillo na umalis sa tabi ng kanyang ama. Alam niyang napipilitan lamang ito na ibenta ang sarili sa mga kuko ng malalaking tao ng lipunan. Alam niya na noong pinasok ng kanyang ama ang ganitong gawain para sa kanilang kapakanan, hindi na ito kailan man o kailan pa makalalabas sa isang hawlang walang pinto o bintana man lang.

^^^^^^^^^^

“Subukan mong kumalas sa grupo, anak mo ang kapalit...” pananakot ng isang lalaking may malaking pangangatawan na may hawak na isang baril na itinututok sa kanyang bunganga na wari mo’y ginagawang isang mikropono. “Ano?” mahinahong tanong ng lalaking nagmamay-ari ng napakalalim na boses na may kasamang lima (5) pang kalalakihan.

Nag-isip si Conrad, natakot siya sa mga maaaring maganap kapag kumalas siya sa sindikatong kinabibilangan niya.

“Ano?!” bulyaw ng lalaki kay Conrad saka itinusok ang hawak na baril sa ilalim ng panga ng ikalawa.

“Hi-hindi na po!” biglang sagot ni Conrad habang tumatagaktak ang pawis.

“Mabuti kung gano’n, alam mo naman siguro ‘yong patakaran simula pa noong umanib ka sa kapatiran? Na walang kakalas oras na maging miyembro ka na nito.” tila nakontento na ang lalaki sa narinig na sagot ni Conrad dahil sa nakita niyang panginginig nito. Isa pa, alam niyang nasindak niya talaga si Conrad dahil sa biglang reaksyon nito.

Napalingon ang lahat nang may kumatok sa pinto.

“’Pa? Si Camillo po!”

Nagbalik ng tingin ang lalaki kay Conrad.

“Tandaan mo, makaalis ka man sa samahan, ‘yang anak mo-” saka itinuro ng lalaki ang kanyang hinlalaki sa kanyang leeg at umaktong ginigilitan ito.

Natatakot na tumango si Conrad, itinago ng lalaki ang kanyang baril at saka tumalikod sa nauna kasama ng lima (5) pang lalaki. Binuksan nila ang pinto, iniluwa nito ang imahe ni Camillo.

Naglakad ang mga lalaki at walang pakundangang binunggo si Camillo na naging dahilan ng kanyang pagtumba. Sa halip na tulungan siya ng mga lalaking ‘to, nag-iwan pa ito ng nakapang-aasar na ngiti, subalit hindi asar ang naramdaman ni Camillo, kundi takot.

Pagkaalis ng mga lalaking nangakasuot ng itim na panlamig na tulad ng suot ng mga sindikato sa mga teleserye, tumayo si Camillo at pumasok sa loob ng kwarto upang sabihin ang sadya niya sa kanyang ama.

“’Pa, sino sila?” nagtatakang tanong ni Camillo. Hindi na binanggit pa ni Camillo ‘yong nangyari kani-kanina lang.

“Ahh...sila? Mga ka-ka-k-kaibigan ko...” pautal-utal na tugon ni Conrad sa anak. “Kumusta ang enrollment ng pogi kong anak?” pinilit ibahin ni Conrad ang aura ng paligid. Habang binibigkas niya ang huling mga salita, ginulo niya ang buhok ni Camillo na nakagawian na niya sa t’wing bibisitahin siya ng kanyang anak.

“Enrolled na po ako, ‘Pa.” masayang pagbabalita ni Camillo saka tumungo sa isang upuan. “Hihingi nga po sana ako ng pambili ng uniporme para sa picture-taking para sa I.D. ko.”

“O, ito...” sabay abot ni Conrad ng pera sa kanyang anak. “Basta kapag may kailangan ka dumaan ka lang dito.”

“Sige po, ‘Pa!”

“Kain tayo?” pagyayaya ng ama ni Camillo.

“Sige ba!”

Totoo ngang gagawin lahat ng magulang maging ang mga paraang makasasama sa kanila para lamang sa ikauunlad ng kanilang pamilya.

^^^^^^^^^^

Pagkatapos ng pagkain ng mag-ama sa labas, ipinahatid na lamang ni Conrad si Camillo sa isang pedicab pauwi. Nakaramdam ng lungkot si Camillo dahil sa iiwan na naman niya ang ama sa masukal na lugar na iyon.

Pangarap ni Camillo ang maging isang mamamahayag, gagawin niya ang lahat ng mga posible at imposibleng paraan para lamang makamit ito. Alam niyang maihahango rin niya ang kanyang ama at ang buo niyang pamilya sa putik ng kahirapan.

^^^^^^^^^^

Inihanda ni Camillo ang lahat ng mga kailangan niya nang gabing iyon upang maging maayos ang takbo ng kanyang pagsasanay kinabukasan.

^^^^^^^^^^

“Saan kaya ako maa-assign bukas?” tanong ni Camillo sa kanyang sarili. “Bakit kasi hindi na lang sinabi, no’ng last meeting namin?” napabuntong hininga na lamang si Camillo habang naglalatag ng banig sa sahig.

“Camillo!” malumanay na sigaw ni Lola Carmina mula sa ikalawang palapag na gawa sa plywood ng kwartong inuupahan nila. “Matulog ka na, maaga ka pa bukas!”

Pinatay ni Camillo ang ilaw, humiga nagdasal at natulog upang maghanda sa bagong lakbayin ng kanyang pagtatagumpay.


^^^^^^^^^^
Please do subscribe:
fernandzsteppingstones.blogspot.com

No comments: