By Jayson Patalinghug
Genre: Short Fiction
Blog: www.jaysoncnu.blogspot.com
Blog: www.jaysoncnu.blogspot.com
Note: Ang kwentong ito ay hindi totoo. Hango lamang ito sa aking mga pangarap na sa tingin ko ay malabong mangyari sa totoong buhay kung pagbabasihan natin ang lipunan na ating kinabibilangan. Ito ay isang handog din para sa ating mga ina na siyang unang nakakaunawa sa atin. Happy Mother day to all nanay.
************************************
photo is credited to Jethro Cuenca Patalinghug |
Linggo ng umaga at hinihila ko na naman ang aking sarili patungong simbahan. Naiinis akong pumunta ng simbahan. Wag niyo sanang ma misinterpret, Di ako naiinis sa Diyos. Naiinis lang talaga akong pumunta ng simbahan – sa simbahan ni Pastor Manuel. Mag aapat na buwan na rin mula ng maging pastor namin si Pastor Manuel. Malayong malayo siya sa dati naming Pastor, si Pastor Rey na siya na yatang pinaka mabait at pinaka-mapagmahal na taong nakilala ko. Si Pastor Manuel, sa kabilang banda ang pinaka matigas ang puso at mapang husgang taong nakilala ko sa aking tanang buhay. Ayon kay Pastor Manuel, lahat sa akin, at lahat ng ginagawa ko ay kinasusuklaman ng Diyos.
Alam kong sa umagang iyon ay maririnig ko na naman ang mga salitang kinasusuklaman ako ng Diyos at itatapon ako sa lawa ng apoy sa impyerno. Halos kada linggo nalang, yun ang naririnig ko. Ang kanyang mga sermon ay hindi man lang pumupuri sa Panginoon kundi puro panghuhusga sa kapwa. Naisip ko nga kung bakit pa kami pumupunta sa simbahang iyon. Marahil ay dahil ito ang pinakamalapit sa amin. Maari ding nakagawian nalang namin dahil sa ilang taon na rin kaming nagsisimba sa simbahang iyon. Ano man ang dahilan, pumupunta kami doon kada linggo at nakikinig sa mga salitang puno ng galit at panghuhusga sa loob ng isa at kalahating oras.
Di ko alam kong anong Bibliya ang binabasa ni Pastor Manuel, basta ang alam ko, hindi kami pareho ng binabasang bibliya. Nakasaad sa Bibliyang binabasa ko na ang Diyos ay Pag-ibig….Paig- IBIG at hindi POOT. Ngunit ang Bibliyang binabasa ni Pastor Manuel ay nagsasaad lamang ng galit, pagkamuhi at pagkasuklam, wala man lang PAG-IBIG. Kahit ilang beses kong binasa ang aking Bibliya ay di ko matagpuan ang mga katagang kinamumuhian niya ako. Dahil kung ganun ay bakit niya sinabing ginawa niya ako hango sa kanyang anyo? Kung kinasusuklaman talaga ako ng Diyos bakit nya sinabing siya ay pag-ibig? Bakit inutusan niya akong mahalin ang aking kapwa gaya ng pagmamahal ko sa aking sarili? Naguguluhan ako.
Di na importante kung saan niya ito nabasa. Nag iiwan lamang si Pastor Manuel ng mga pag agam-agam sa aking paniniwala: Kinasusuklaman ako ng Diyos. Di naman talaga specific na ako – kundi ang mga katulad ko. Alam mo na, yung mga lalaking umiibig din sa kapwa lalaki.
Anyway, busy yata ako sa pag-iisip kung ano na naman ang sermon ni Pastor sa linggong iyon ng mabulabog ang aking pag muni-muni ng marinig ko ang boses ni mommy.
“Jed, bilisan mo na at maleleyt na tayo,” sigaw ng mama ko mula baba ng hagdanan.
“Oo, nariyan na po,” sigaw ko din, pagsagot sa tawag ni mommy.
Kinuha ko ang aking jacket at patakbong tinungo ang hagdanan, tinigan lang niya ako.
“Sorry,” sabi ko.
“Dapat lang,” sagot niya. “Isang araw sa katatakbo sa hagdanan dahil lagi ka nalang nagmamadali ay mahuhulog ka, pagkatapos ay mabali ang leeg mo at isusugod kita sa hospital imbes na sa simbahan.”
“Talaga? Saglit lang, subukan ko nga ulit,” sabi ko sabay talikod at bumalik sa taas ng hagdanan.
“Bumalik ka nga dito,” utos niya na natatawa, “kundi mababali talaga yang leeg mo na hindi nahuhulog sa hagdanan.”
“Hinarap ko siya at nilapitan sabay halik sa kanyang pisngi, “di mo gagawin yun, kasi mahal mo ako.”
“bolero,” sagot niya. “tayo na at maleleyt na talaga tayo nito.”
Malapit lang ang simbahan mula sa amin kaya naman ay halos limang minuto lamang kaming naglakad ay nasa simbahan na agad kami. Sinalubong kami ni Pastor Manuel, binati niya si mommy na para bang isang matagal na nawalay na kamag anak. Habang isang malamig na titig lamang ang binigay niya sa akin. Pagkatapos na kanyang mainit na pagtanggap – at least mainit ang pagtanggap niya kay mommy – ay pumasok na kami sa simbahan at nakipag kumustahan sa ibang mga kapatid. Actually si mommy lang ang nakipag kumustahan sa kanila habang ako nasa tabi lang niya naka ngiti, nagpapanggap na masaya at naaliw sa lugar na iyon.
Ilang saglit lang ay nagsimulang tumugtog ang aming organist, lahat ay dali-daling tinungo ang kani-kanilang upuan, kinuha ang mga hymnals at nagsimulang kumanta. Nangibabaw ang malakas na boses ni Pastor Manuel na parang pusa na hindi mapakali. Isang malaki at galit na pusa. Nag iisip tuloy ako kung naririnig ba niya ang kanyang sarili.
Pagkatapos ng unang hymno ay agad siyang pumagitna at lumapit sa pulpito, handa na siya upang magbigay ng sermon. Kakaiba yata ang linggong ito, parang nagmamadali si Pastor. Walang announcements, walang introductions, hindi man lang binati ang mga bisita; deretso agad siya sa kanyang sermon. Halos makita kong nag aapoy ang kanyang mga mata habang pinagmamasdan ko siya mula sa aking upuan. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang Bibliya sa kanyang kanang kamay at ang mga mata ay nakatingin sa kesame. Mukhang exciting ang palabas niya sa mga panahong iyon. Lahat nvg tao sa loob ng simbahan ay tahimik lang, binalot ng nakabibinging katahimikan ang silid na iyong… ang mga tao ay nakatingin kay Pastor na para bang naghihintay ng malalaglag na bituin.
Pagkatapos ng halos 2 minutong katahimikan ay bumagsak ang kanyang kaliwang kamay sa pulpito at sumigaw, “Damnation!” halos mahulog sa upuan ang mga tao sa gulat. Sa tingin ko ay may isa o dalawa na kailangang magpalit ng underwear pagkauwi sa bahay. Pagkatapos ay sinuri niya ang boong congregasyo ng kanyang nag aalab na mata. Halos lahat ay natakot… ewan ko lang kung ano ang nasa isip ng ibang taong nandoon. Nang matagpuan niya ako ay tinitigan niya ako na para bang nayayamot siya sa akin. Tumitig lang din ako sa kanya. Sa tingin ko ay he is trying to intimidate me, pero walang epekto sa akin yun.
Biglang nagbago ang tono ng kanyang boses, mula sa psigaw ngayon ay pabulong naman, “May nasaksihan ako.”
Dahil sa akin siya nakatingin habang sinabi niya iyon, ay napag isip tuloy ako, “Ano na naman ang nagawa ko ngayon?”
Patuloy pa rin siya sa pagtitig sa akin, palakas ang kanyang boses ng sabihin niyang muli, “May nasaksihan ako nitong linggo na magdadala na POOT ng Diyos sa ating lahat.” Binigyan pa niya ng emphasis ang salitang POOT. Sa panahong iyon, halos kalahati nalang ng congregasyon ang nagulat.
“May kasama tayong salot dito sa ating simbahan,” pasigaw siya habang tinuro niya ako.
Narinig ko ang mga pagsinghap ng mga tao habang ang kanilang mata ay nakatingin sa akin. Nakakahiya na para bang gusto kong matunaw habang pinagpipyestahan ako ng kanilang mga mata. Pero hindi parin ako natinag at hindi ako nagpakita ng takot, patuloy lang ako sa pagtitig sa nagbabagang tingin sa akin ni Pastor Manuel. Maaring tatablan din ako hiya mamaya, pero sinisigurado kong hindi niya makikita ang aking pagbagsak.
Siguro ay nakita niya Kami ni Lester na nakahawak kamay sa may plaza, at ngayon ay isisiwalat niya ito sa boong congregasyon, pati na sa aking ina. Ang pakiramdam ko ay parang guguho ang aking mundo. Naramdaman ko nalang ang kamay ni mommy na hinawaka ang aking kanang kamay at pinisil ito. Tumayo siya at hawak ang aking kamay lumabas kaming dalawa sa simbahan. Nagsisigaw si Pastor si Manuel, pero di na namin ito pinakinggan.
Umuwi kami ng bahay, magkahawak parin ang aming mga kamay ngunit walang imikan, ngunit ng makarating kami sa bahay ay bumigay na ako, humagolhol na ako ng iyak at yumakap sa aking ina. Niyakap din niya ako, hinaplos ng kanyang mga kamay ang aking mga buhok sabay bulong “okay lang yan, ilabas mo lang. Nandito lang ako at Mahal na mahal kita,”
Nang humupa ng aking naramdaman ay pinaupo niya ako sa sofa at niyakap ng mahigpit. Niyakap ko rin siya at nanatili kami sa ganoong ayos ng ilang minuto.
“Im sorry ma,” sabi ko, pagbagsag ng katahimikan.
“Wala ka dapat ihingi ng tawad anak,” sagot naman niya.
“meron po,” sabi ko. “Ma, bakla po ako.”
“Alam ko,” sabi niya.
“Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at tiningnan siya. “Alam niyo po?” tanong ko na parang na shock.
“Oo, matagal ko ng alam,” sagot niya na nakangiti. “Hinihintay ko lang na sabihin mo sa akin.”
“Papaano?” tanong ko.
“Ina mo ako,” sabi niya
“Pero, papaano?” tanong ko ulit.
“Pinagmamasdan kita. Mula noong nagbinata ka ay wala ka pang naging girl friend. Hindi ka man lang nagkukwento ng tungkol sa mga crush mong babae. Hindi ka pa nakikipag date,” sagot niya. “Sa pagdaan ng panahon, nagtataka ako kaya naman ay inobserbahan kita ng maigi. Hindi ka na nagdadala ng mga kaibigan sa bahay gaya ng ginagawa mo noong bata ka pa. Pagkatapos noong isang buwan lang, dinala mo sa bahay natin si Lester. Yun ang ka una-unahang pagkakataon na nagdala ka ng kaibigan sa bahay sa loob ng tatlong buwan. Pinagmamasdan ko kayo at napansin kong may kakaiba sa inyong dalawa. Tuwing tinitingnan mo siya ay nagliliwanag ang iyong mukha. Ang iyong mga mata ay kapareho ng mga mata ng iyong ama kapag tinitingnan niya ako. At doon ko nalaman. Nalaman kong umiibig ka sa isang lalaki; pero okay lang sa akin yun. Anak kita at mahal kita. Kung umiibig ka sa isang lalaki sa halip na babae, hindi niyan mababago ang iyong pagkatao. Mahal kita at gusto kong makita kang masaya.”
Napaiyak ako sa sinabing iyon ng aking ina at muli ko siyang niyakap. Wala akong masabi. Alam ng aking ina na bakla ako at matagal na niya itong alam. Alam niyang umiibig ako sa isang lalaki ngunit sa kabila ng lahat ay tanggap niya ako at mahal niya ako.
Pagkatapos ng ilang minuto, kumalas sa pagkakayakap sa akin si mommy at pagkatapos ay hinalikan ako sa noo. “Di ko alam kung nagugutom ka na” sabi niya na nakangiti, “Pero ako sobrang gutom na. Halika magluto tayo.”
Tinungo namin ang kusina. Tiningnan ni mommy ang fridge at kinuha ang mga tira-tirang pagkain at saka ininit ito. Gumawa din ako ng vegetable salad na paborito naming pareho. Naging busy kami sa paghahanda ng aming pagkain. Nagtitinginan at nagngingitian lang kami ni mommy. Nang handa na ang lahat, naupo kami at pinagsaluhan ang pagkain sa aming hapag.
Di ko mapigilan ang ngumiti. Di ako makapaniwala. Bakla ako, alam ito ng mama ko at okay lang lahat. Okay lang din sa kanya na may boyfriend ako.
Habang kumakain kami, tiningna ako ni mommy, ang kanyang mukha ay may bahid ng kalungkutan. “Patawad anak” sabi niya. “Di kita dapat dinala sa simbahang iyon. Alam kong mapanghusgang tao si Pastor Manuel, dapat ay di nalang kita sinama.”
“Okay lang yun ma,” sabi ko. “Hindi naman ako naniniwala sa kanya. Hindi naman galing sa Diyos ang mga pinagsasabi niya. Lahat ay base lamang sa sarili niyang paniniwala. Lahat ng kanyang mga sermon ay taliwas sa akung ano ang nabasa ko sa Bibliya.”
“Kahit na,” sabi niya, ”Dapat ay dinala kita sa ibang lugar imbes na makinig sa kanyang maanghang na salita.”
“May magandang bagay naman na nangyari dahil sa kanya,” sabi ko sabay ngiti, “Salamat sa kanya at malaya na ako ngayon. Hindi ko ka pinoproblema kung papaano ko sasabihin sayo ang aking sekreto. Di ba mas maganda iyon, ano sa tingin mo?”
“Oo nga, tama ka,” sagot niya na nakingiti din, “Pero nagi-guilty pa rin ako. Walang bata ang dapat makaranas ng iyong mga naranasan, ang makinig sa isang mapanghusgang sermon kada linggo. Di ko alam kung bakit ko hinayaan iyon. Alam kong bakla ka at ang mga katulad mo ay hinuhusgahan ng Pastor na iyon, dapat ay di na kita dinala doon.”
“Ma, wag mo na nga sisihin ang sarili mo,” sabi ko sa kanya. “Naisip ko na rin iyon, at sa tingin ko ay parang naging habit nalang natin ang pagpunta sa simbahang iyon. Alam mo na, matagal na rin tayong nagsisimba doon.”
“Alam ko iyon anak,” sagot naman ni mommy, “Pero ang punto ko lang ay, dinala kita sa isang lugar kung saan ang katulad mo ay hinuhusgahan at kinamumuhian na parang isang salot. Paano kung naniwala ka? Di ko mapatawad ang aking sarili pag nagkataon.”
“Okay, bago mo parusahan yang sarili mo,” sabi ko, “Una, ikaw at ako ay malapit sa isat isa at alam mong lalapit ako sayo kapag may problema ako. Di ba?
“Oo, naman” sagot niya.
“Pangalawa, Nakita mo ako mula noong dumating si Pastor Manuel sa simbahan natin. Nakita mo ba akong nag-alala? Nakita mo ba akong malungkot, nag momokmok at walang buhay?” Tanong ko.
“Hindi,” sagot niya.
“Magaling. Eh di wala ng problema. Tigilan mo na yang pagsisi mo sa iyong sarili,” sabi ko, pagkatapos ay tumawa, “Sa tingin ko ay kailangan natin maghanap ng bagong simbahan.”
“Pagkatapos ng lahat, gusto mo pa ring mag simba? Tanong niya.
“Bakit hindi? Tanong ko. “Hindi dahil sa may iilang pastor, katulad ni pastor Manuel na binabaluktot ang Bibliya ayon sa kanyang paniniwala, ay kakalimutan na natin ang ating pananampalataya at di na magsisimba. Pinapalakas lang nila ang aking pananampalataya. Pinilit niya akong basahin ang Bibliya at tuklasin ang katotohanan.”
“Alam mo, you never ceae to amaze me,” nakangiting sabi ni mommy.
“Alam ko,” sagit ko naman na nakatawa. Tumawa lang din si mommy at natawan kaming dalawa.
“Sa susunod na linggo, punta tayo sa simbahan nina Lester,” sabi ko. “Ang Pastor nila ay di katulad ni Pastor Manuel. Naniniwala siyang ang Diyos ay Diyos ng Pag-ibig at ang kasarian ng isang tao ay hindi hadlang sa ating pagiging Kristyano. Gusto mo yun? Kung okay lang sayo, sa susunod na linggo doon na tayo magsisimba.”
“Parang gusto ko yan,” sabi ni mommy. “Sige sa susunod na linggo, punta tayo doon.”
At biglang tumunog ang door bell. Si mommy na ang nagbukas ng pinto.
“Oh Lester ikaw pala,” narinig kong sabi ni mommy. “Halika, tuloy ka…nasa kusina si Jed.”
Sabay na silang pumasok sa kusina, nakatayo si Lester sa likod ng mommy ko. Tiningnan ko siya at nginitian.
“Hi babe,” ang sabi ko sa kanya sabay salubon sa kanya at bingyan ng isang halik sa labi.
Sa kauna-unahang pagkakataon nakita ko siyang nag bllush, pulang pula ang kanyang mga pisngi. Tumingin siya sa aking mommy at pagkatapos ay sa akin.
“Alam mo, may magandang nangyari sa akin nitong umaga,” sabi ko sabay hawak sa kanyang kamay at dinala ko siya sa aking kwarto.
“Mukhang maganda talaga ang iyong umaga ah,” sagot niya. “Ang pagsalubong mo sa akin kanina ay nakakapanibago.”
“talaga, napakasaya ko sa umagang ito. Sasabihin ko sayo pero maupo muna tayo,” sabi ko sabay yakap sa kanya at binigyan siya ng isang mariing halik sa labi.
“Whoa,” sagotniya pagkatapos ng aming halikan. “Sana ganito lagi ang iyong umaga.”
Pagakatapos ay kinwento ko kay Lester ang lahat; mula sa mapanghusgang titig sa akin ni Pastor Manuel, hanggang sa pagsiwalat niya ng aking sekreto sa boong congregasyon; hanggang sa pagtanggap ng aking ina na may anak siyang bakla at sa pagtanggap niyang may boyfriend ako; lahat lahat. Nakinig lang si Lester sa lahat ng aking kinwento sa kanya.
“OMG!” sabi niya noong matapos na akong magkwento. “Exciting nga talaga ang iyong umaga.”
“Hindi lang yan, napagkasunduan namin ni mommy na doon kami magsisimba sa simbahan ninyo this Sunday,” sabi ko, pagkatapos ay ginawara ulit siya ng isang marring halik.
Pagkatapos ng halik na iyon, naisip ko kong gaano pala kasarap ang maging malaya, yung di mo na kailangan magtago… o matakot na may makakita sa iyo. Dapat pala pinagtapat ko na kay mommy noon pa. Ilang taon din akong nabuhay na puno ng pagkukunwari at sa takot na baka malaman niyang bakla ako at ikahiya. Bakit ko nga ba pinagdudahan ang pagmamahal ng aking ina sa akin?
At naisip ko rin na nakatira tayo sa isang lipunan kung saan ang mga bakla ay hindi gaanong tanggap. Pinalaki tayo sa takot na malaman ng ating pamilya at ng lipunan ang ating pagiging bakla. Pinaniwala nila tayong ang pag-ibig ay para lamang sa nagmamahalang lalaki at babae.
Anyway, Nagsama kami ni Lester boong maghapon. Naglaro kami ng Dota, nanood ng movie “The Love of Siam”, nagharutan. Pagkatapos ng ilang oras ay nabagot din kami kaya naglaro kami ng basketball. Lagi nalang akong talo sa bawat round. Totoo yatang di tayo perpekto, hindi maaring magaling ka sa lahat. Utak, lakas at Gandang lalaki: two out of three, solve na ako dun.
******************
Nang sumunod na linggo, Pumnta kami ni mommy sa simbahan nina Lester. Nakatayo si Lester at ang kanyang mga magulang sa labas ng pinto hinihintay kami. Binati ako ni Lester ng isang yakap pagkatapos ay pinakilala niya ang kanyang mga mgulang sa mommy ko. Mukhang madali naman silang nagkagaanan ng loob. Pinakilala din ako ni Lester kay Pastor Greg na nakatayo lang pala sa gilid ng pinto.
Kabaligtaran talaga ito sa mga nangyari noong nakaraang linggo. Kung may dalawang lalaking nagyakapan sa labas ng pintuan ng simbahan, sigurado akong sasabog ang dibdib ni Pastor Manuel sa galit.
Pero si Pastor Greg, ngumiti lang siya at kinamayan ako. “Magandang umaga sayo at welcome sa aming munting tahanan ng Diyos,” sabi niya. Pagkatapos ay ngumiti siya, sumulyap kay Lester at nagsabi, “Iniisip ko lang kung sino ang naglagay ng mga matatamis na ngiti sa mga labi nitong si Lester.”
Nag blush lang ako at nag smile.
“Sana ay mag enjoy kayo at ma blessed ngayong umaga… at sana ay hindi pa ito ang huli nating pagkikita,” dagdag pa niya.
“Salamat po, sa tingin ko po ay kada linggo na tayong magkikita.” Sagot ko naman.
“Magaling,” sabi niya.
At nagsimula ng patugtugin ng organist ang organ at ang lahat ay dahan dahang nagsipasok sa simbahan at naghanap ng upuan. Hawak hawak ni Lester ang aking kamay, sinundan namin ang aming mga magulang hanggang sa marating namin ang karaniwang pwesto nila sa simbahan…malapit sa unahan. Magkatabi kaming naupo ni Lester at napapagitnaan kami ng aming mga magulang. Nang makaupo na kami ay tinitigan niya ako, piniga ng marahan ang aking kamay. Tinitigan ko rin siya at ngumiti.
Naisip ko sa aking sarili: Nasa simbahan ako, hawak-hawak ang kamay ng aking boyfriend at mahal ako ng Diyos. Nararamdaman ko. Ang saya-saya ko sa mga oras na iyon na tila perpekto na para sa akin ang lahat.
Tumingin ako sa paligid at nakita ko ang isang matandang babae na nakatingin sa amin ni Lester na magkahawak kamay. Nginitian ko siya at nginitian din niya ako, Kinindatan pa niya ako at sa kanyang mga mata di mo makikita ang pangugutya at panghuhusga.
Ang paraan ng pagsamba sa simbahang iyon ay kakaiba. May mga awit ng papuri ngunit walang nagsisigaw, walang mabibigat na kamay na bumabagsak sa pulpito. Walang myembro ang nagugulat at pilit na napapasigaw ng “Amen!” o “Hallelujah!”, Tahimik, payapa at mararamdaman mo talaga ang essence ng pagsamba.
Nang magsimula ang sermon ni Pastor Greg, tumingin siya sa akin at kay Lester…ngumiti . Ang mga unang salitang binigkas niya sa kanyang sermon ay, “Ganito ako Ginawa ng Diyos.”
Wakas…..
No comments:
Post a Comment