Friday, September 2, 2011

I Am The One

Ika-27 kaarawan mo noon. Naisipan mong imbitahan lahat kaming mga kababata mo. Lahat ng gusto mong makita noong araw na yon, nakarating, maliban lang sa isang taong inaasahan mo.

Batid sa iyong mukha ang labis na tuwa dahil nakumpleto ulit ang ating grupo pero nakita kitang nagbuntong-hininga ng ilang ulit. Ramdam ko na nalungkot ka sa hindi nya pagsipot sa isa sa mga mahahalagang araw sa buhay mo.

“Problema?” tanong ko

“Wala naman. I'm okay.” You smiled.

Nakita ko ang biloy sa bandang ibabang-kaliwa bahagi ng iyong labi. Para itong pinako para lumubog ng husto. Pinilit mong ngumiti dahil ayaw mong isipin naming mga bisita mo na dismayado ka sa di nya pagdalo.

Masaya ang naging kwentuhan ng grupo. Umaapaw ang mga masarap na putaheng pinaluto mo sa iyong ina. Bumabagyo ng alak. Halatang pinagipunan mo talaga ang selebrasyon para sa iyong kaarawan. Naging masaya ang lahat. Maraming kwentong naibahagi dahil ilang taon din tayong hindi nakumpleto.

Patuloy ang pagpapak ko sa pork sisig habang katabi kita. Pinapaikot naman ang Jack Daniels na kanina pa nagpapahilo sa akin. May mga pagkakataon na sinasagip mo ako sa tagay. Palihim mong iniinom ang tagay ko, titingin ka sa akin at ngingisi nalang tayo pareho. Alam na alam mong mahina ang tolerance ko sa hard drinks.

“Malapit na yung tagay mo.” bulong mo sa akin

“Nahihilo na ako, best.”

“Ganyan ka naman lagi eh, sige sasaluhin ko nalang.”

“Ngek. Wag na, kaya ko pa.”

Ngumiti ka. Kita na ang pamumula sa iyong mukha. Alam kong tinatamaan ka na dahil lumalabas na ang pagkamestiso mo. Nagiging makulit ka na rin dala ng alak. Bumabangka ka na dala na rin ng ispiritu ng alak. Iba talaga ang nagagawa ng alak.

Dumaan na muli sa akin ang shot glass. Tumingin ako sayo at nakita kong nagaabang ka kung bibitawan ko ba ang baso o hindi.

“Bilis! Ang tagal ng tagay! Woooh!” kantyaw ng ilan sa ating mga barkada

Napangisi ako.

“Mahina ako sa hard.”

“Dali na! Nagpapalusot pa! Inom na!” dagdag pa nila

Nilapit mo ang mukha mo sa akin. Amoy chico ka na.

“Kaya mo pa ba? Sasaluhin ko kung gusto mo.” bulong mo

Di ako umimik. Mabilis kong tinungga ang shotglass at nilapag ito sa mesa. Ramdam ko ang pagguhit ng Jack Daniels sa aking lalamunan. Naramdaman ko ang agarang paginit ng aking katawan.

“Whew.”

Lumipas ang ilang oras at naging mas updated kami sa lahat ng nangyayari sa isa't-isa. Nagopen ang ilan sa mga problema nila. Nagkwento naman ang ilan sa mga relationships nila na natapos at kung paano sila nakamove-on. Ikaw naman ay nagdaldal tungkol sa relasyon mo sa kanya.

“Kelan mo ba ipapakilala sa amin yang partner mo na yan, Brix?” tanong nila sayo

“Dapat nga nandito yun ngayon, kaso lang nagkaroon ng emergency meeting sa office nila kaya di sya nakapunta. Pero wag kayong magalala, ipapakilala ko yun sa inyo sa susunod. Makikita nyo yung taong kinababaliwan ko ngayon. Di nyo ko masisisi kung bakit. Ang alam ko lang, mahal na mahal ko yon.” mahabang sabi mo

Di ko alam kung dala nalang ng alak or ano ba, nakaramdam ako ng kurot nang marinig ko yung sinabi mong mahal na mahal mo sya. Ngumiti ako at naisip ko kung gaano sya kaswerte na kayo.

“Uyyyy. Inlove nga sya.” kantyaw nila sa inyo

Nagbukas ako ng Red Horse at tinungga ito. Ramdam ko ang pait nito. Ngumiti ako.

“Alam nyo ba trabaho nong partner ko na yun? Doctor yun sa isang ospital. Kaya sobrang busy non. Naiintindihan ko naman yung nature ng trabaho nya. Sobrang talino nya, at sobrang proud ako sa kanya. Proud ako sa amin. Mahal na mahal ko yung mokong na yun.” dagdag mo pa.

Muli, ako ay lumagok ng Red Horse. Ako ay natahimik. Ngumiti ako.

Naramdaman ko ang sipa ng kabayo. Nahihilo na ako. Mas ramdam ko ang kutislyong tumatarak sa puso ko sa t'wing binibida mo sya sa ating mga barkada. Gusto kitang supalpalin pero hindi ko kaya.

“Pero paano naman yung pag nalulungkot ka? Paano pag tipong libog ka? Paano pag sobrang miss mo na sya?” tanong ng isa naming barkada.

Nakita ko ang iyong pagbuntong-hininga.

“Ganito yon, kasi mahal ko, iniintindi ko. Nalulungkot ako pag di ko sya nakakasama pero tinitiis ko. Iniisip ko na para sa amin din yung ginagawa nya. Iniisip ko na para din sa future namin.”

Napabuntong-hininga ako nang marinig ko ang salitang future.

“Pag libog naman ako, kamay-kamay nalang. Wala din naman akong magagawa. Ayoko namang magloko. Takot akong magalit sya sakin kaya nagpapakatino ako ng sobra.”

Nangingilid ang luha ko sa aking mga naririnig. Alam kong mahal mo talaga sya, kahit anong bagyo ay di kayo masisira. Anong laban ko?

“Kapag nalulungkot naman ako, tinetext ko lang tong si Andy.”

Bigla kang umakbay sa akin.

“Si Andy kasi yung taong laging nandyan para sa akin. Kahit alam kong sobrang pagod sya sa trabaho nyan, mageeffort pa din yan samahan ako kung saan ko gustong pumunta. Pinakikinggan ako ni Andy kapag nagoopen ako. Napakabuti nyang kaibigan sa akin. Salamat nga at wala syang partner ngayon, kasi kung meron, baka wala na din tong panahon sakin.”

Napangiti ako sa narinig. Kahit papaano ay naramdaman kong napapahalagahan mo at masaya ka t'wing sinasamahan kita sa mga gusto mong gawin.

“Oo nga no Andy! Ang tagal mo ng single. Bakit ba?”

Nagulat ako sa tanong.

“Ha?”

“Bakit ang tagal mo ng single? Sobrang choosy ka siguro.”

Napakamot ako ng ulo.

“Hi-hindi naman. Siguro hindi pa talaga para sa akin.” sabi ko

Mas humigpit ang akbay mo. Ramdam ko ang init ng iyong kilikili.

“Hindi pa para sayo? Eh kung kailan pa? Pag ubos na?” sabat ng isa naming barkada

“Si-siguro.”

“May inaantay ka ba Andy?” tanong mo

“Inaantay? Wa-wala. Sabihin nalang nating kung may inaantay ako, wala din namang patutunguhan, so technically, nagaantay lang ako sa wala.”

“So may inaantay ka.”

“Oo.” maiksi kong sagot.

Tinungga ko ang Red Horse. Straight up.

“Lagi naman akong nandito. Lagi akong nagbibigay ng panahon. Nakikinig ako, nagpapayo ako. Hindi ko sya pinapabayaan. Kulang na nga lang pati baon nya sa office ako din ang magluto, pero di din naman nya napapansin yung pagmamahal ko.”

Nagsimula ng tumulo ang aking mainit na luha. Inalo mo ako. Hinimas-himas mo ang aking likod.

“Ayos lang yan. Malay mo marealize nya bukas na mahal ka pala nya. Ang bobo nung taong yon. Kasi kung ako yon, di kita bibitawan. I know how genuine your love can be. Di ko sasayangin yon. You deserve to be happy.” sabi mo sa akin.

Mas lalong tumindi ang aking pagluha.

“Siguro nga.” humihikbi kong sabi

“Gusto mo bang ipasira ko ang buhay nyan pag di ka minahal?” banat ng isa naming barkada

“Adik ka.” sabat mo

“Hayaan mo na. Matatapos din tong kalokohan kong to. Magigising nalang ako one day, okay na ako. Magigising nalang sya one day at maiisip nya na I am the one who got away. Maiisip nya na ako nalang dapat. Maiisip nya na magiging mas masaya sya sa akin. At maiisip nya na mahal din pala nya ako.”

Dumating ang tagay sa akin at mabilis ko itong ininom.

Tumahimik ang grupo. Walang gustong magsalita. Ramdam ko pa din ang akbay mo.

Uminom pa ng madami at nalasing ka pa ng husto. Kung anu-ano pa ang napagusapan at lagi mo na namang ibinida ang partner mo. Natapos ang inuman ng bandang madaling-araw na. Lango ang lahat at nagsiuwian na. Naiwan ako sa bahay mo para magligpit ng mga kalat.

Nakita kitang nakahilata sa sofa. Ang pula-pula mo. Lasing na lasing ka. Mabilis akong nagligpit ng mga kalat. Binalikan kita at inakay papunta sa iyong kwarto. Tulog na tulog ka. Nilapag kita sa kama at inayos.

Hinawakan ko ang iyong kamay. Pinisil ito. Ang tagal kong hinintay na mahawakan ang kamay mo. Pinagmasdan ko ang iyong mukha. Marahan kong hinaplos ito. Tumulo ang aking luha. Mahimbing ang iyong tulog.

“Sana akin ka nalang. Sana ako nalang yung mahal mo.”

Yumakap ako sayo.

“Kung swapang lang ako at gago, ginawan ko na ng paraan para maging akin ka. Kaso hindi ako ganun, magiging masaya nalang ako sa pagkakaibigan na kaya mong ibigay sa akin. Matatapos din tong kabaliwan ko na to. Magigising nalang ako isang araw, di na kita mahal. Magiging okay din ako.”

Inangat ko ang aking katawan at pinahid ang aking mga luha.

“Mamahalin kita sa paraang alam ko, kahit di mo alam. Brix, kahit masakit sa akin t'wing binabanggit mo ang nararamdaman mo sa kanya, mahal na mahal pa rin kita.”

Buntong-hininga.

Tumayo ako at dahan-dahang lumakad.

“Andy.” mahina mong usal

Humarap ako muli sayo. Nagkunwari na wala lang.

“Ano yun? You need something? Water? Ginger Ale?”

Tumitig ka sa mga mata ko.

“Maraming Salamat.”

Ngumiti ako.

“Maraming Salamat sa pagmamahal.”

Muling pumatak ang aking mga luha.

W A K A S

4 comments:

Alexander Cruz said...

Mahirap magpigil ng pag-luha dito sa office. Buset. Galing.

Lui said...

Emotions are very real. Short but moving.

Rue said...

gling ng eksena, simpleng inuman na puno ng pgkukubli ng nraramdaman..nakarelate ulit aq lolz peo ths time, ky brix o.o

whenloveandhatecollides said...

Ako kaya, kelan magigising? :(