Monday, August 29, 2011

Ang Babaeng Nakaputi

Lagi ko syang nakakasalubong sa t'wing ako'y umuuwi galing sa trabaho. T'wing madaling araw ay naririnig ko ang kanyang mga panaghoy. Rinig ko ang kanyang pagtangis. Nararamdaman ko ang matinding kalungkutang umaapaw sa kanya. Sa t'wing nakikita ko sya, it's very difficult for me not to flash that bittersweet smile. How I wish may magawa ako.

Nakasuot sya ng puti at maiksi ang kanyang buhok. Marami syang suot na burloloy sa katawan. May pagka-rasta ang kanyang porma. Mahilig syang magsuot ng bracelet. Patong-patong ang bracelet sa kanyang payat na braso.

Lagi ko syang nakikita. Lagi kong naririnig ang kanyang pagtangis habang nagmamasaid ang maputlang buwan sa kanyang kabuuan.

Walang gabing hindi ko sya nakita. Walang gabing hindi ko sya nadaanan. Walang gabi hindi ko nakitang nakatingin sya sa akin. Walang gabing hindi sya nakangiti sa akin sa t'wing ako'y ngumingiti sa kanya.







Mabilis ang byahe ng aircon bus na nasakyan ko ngayong gabi pauwi sa probinsya. Bumaba ako sa bus at tumawid. Nagsimula kong baybayin ang mahabang eskinita na lagi kong tinatahak pauwi sa aking munting tahanan. Iginala ko ang aking mga mata. Hindi kulang ang gabi ko kapag di ko sya nakikitang pakalat-kalat sa kalsada.

Patuloy ako sa paglakad. Hindi sya nababanaag ng aking mga mata.

Lumipas ang ilang minuto at nangangalahati na ako sa aking nilalakad, wala pa rin sya. Nakaramdam ako ng pagaalala. Nasaan na ang babaeng nakaputi?

Huminto ako sa tindahan para bumili ng yosi. Sinindihan ko ito at naramdaman ko ang pagpasok ng nikotina sa aking sistema. Nagpatuloy ako sa paglalakad.

Nangangalahati na ako sa paglalakad ng maramdaman ko ang biglaang pagyakap sa aking likuran. Sa imbis na pumiglas, hindi ko alam kung bakit nanatili lang akong nakatayo. Tinapon ko ang natitirang sigarilyo. Mas humigpit ang yakap. Nanuot sa aking ilong ang amoy na hindi kaaya-aya. Inalis ko ang yakap sa aking katawan. Marahan akong humarap.

“Ikaw ba ang asawa ko?”

Nagulat ako sa narinig. Nagulat ako sa nakita. Sya nga, ang babaeng nakaputi.

Bago pa man bumuka ang aking bibig para magsalita, bigla nya ulit akong niyakap.

“Ikaw nga.”

At narinig ko ang kanyang hagulgol.

“Hi-hindi ako ang asawa mo.”

Parang wala syang narinig. Mas humigpit pa ang kanyang yakap. Mas nanuot ang amoy araw nyang katawan sa aking ilong. Naging mas malakas ang kanyang paghikbi. Ramdam ko ang kanyang panginginig. Sya ay takot na takot.

“A-ale, hindi po ako ang asawa mo. Bata pa po ako.”

Hindi pa rin sya natitinag. Mas ramdam ko ang pagsubsob ng kanyang mukha sa aking dibdib. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, binalik ko ang kanyang mga yakap. Niyakap ko din sya ng mahigpit kahit na naiirita na ako sa amoy nya.

Lumipas ang ilang segundo, naramdaman ko ang kanyang pagkalma. Lumuwag ang kanyang yakap. Muli, kami ay magkaharap.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nasilayan ko ang kanyang buong mukha. Nakita ko ang matinding saya sa kanyang mga mata habang nakatitig sya sa akin. Maganda ang korte ng kanyang labi pero bitak-bitak ito dala na rin marahil ng dehydration. Walang direksyon ang kanyang maiksing buhok at may mga dahon-dahon pa ito. Hinawakan ko ang kanyang mukha, sya ay napapikit. Maganda sya kahit halata na ang kanyang edad dahil sa linya sa kanyang noo at mata. Napakaganda. Despite the beauty, there's pain and loneliness.

“Di mo na ba ako natatandaan, Ric? Ako to, si Jenny.”

“Hi-hindi po ako si Ric.”

“Ikaw si Ric!”

Napailing ako.

“Natatandaan mo ba ako? Yung anak natin na si Eric, binigay ko kay T'yang Berta. Dahil nawala ka nung pumunta ka sa Saudi. Bakit mo kami iniwan ng anak mo?”

Nanlaki ang mata ko sa pagkagulat. Nagsimula na naman syang umiyak.

“Kung di mo kami iniwan, eh di sana kasama pa natin si Eric ngayon. Nasa States na si T'yang Berta. Dinala nya si Eric!”

Hindi ko alam ang isasagot ko.

“Bakit mo hinayaang tangayin nila sayo ang bata?”

Nagulat ako sa inusal ko.

“Dahil di ko kayang lumaban. Pinalabas ni T'yang Berta na hindi ko kayang alagaan ang anak ko dahil sa kapansanan ko. Hindi ako baliw Ric! Hindi ako baliw! Alam ng Diyos na hindi ako baliw! Normal ako!” sigaw nya

I was shocked.

“Hi-hindi ako ang asawa mo.”

Pinakita nya sa aking ang kanyang patpating braso. Hinawi nya ang mga borloloy at nakita ko ang isang magarang gold bracelet na sa tingin ko ay umaabot ng ilang libo.

“Natatandaam mo ba tong bracelet na to Ric?”

“Hi-hindi ako ang asawa mo.”

Hindi ko magawang umatras o tumakbo, hindi ko alam kung bakit.

“Etong bracelet na to ang regalo mo sakin bago ka umalis ng Saudi. Tig-isa tayo. Ayaw mo ng singsing, gusto mo bracelet ang symbol ng pagmamahalan natin. Tignan mo yang nasa braso mo. Pareho tayo ng bracelet! Ako ang asawa mo Ric! Ako to! Ako to! Ako si Jenny!”

Nagulat ako sa narinig. Napatingin ako sa aking bracelet. Magkaparehas nga ang aming suot.

“Kita mo na! Hindi ako baliw! Hindi ako baliw! Ako ang asawa mo Ric. Ako to si Jenny!” sigaw pa nya

Naramdaman ko ang despair sa kanyang tono. Pero ayokong mamuhay sya sa imahinasyon nya.

“Hindi ako ang asawa mo Jenny. Hindi kita kilala. May sarili akong pamilya.”

“Huh? Hindi pwede. So ibig sabihin Ric nangaliwa ka? Kaya mo kami iniwan ni Eric? Hindi pwede! Bakit mo nagawan sa akin to? Bakit?”

Muli, sya ang humagulgol. Pinagsusuntok nya ang aking dibdib. Naramdaman ko ang pagtulo ng aking mga luha.

“Hindi ako si Ric. Hindi ako ang asawa mo.”

“Ikaw ang asawa ko. Pareho tayo ng bracelet!”

“Hindi ako. Ibang tao ako.”

Tumingin sya sa aking mga mata. Kita ko ang matinding kalungkutan. Napabuntong-hininga ako. Hindi na sya kumibo, tumalikod sya sa akin at mabilis na tumakbo papalayo, hanggang sya, ay tuluyan ng maglaho sa dilim.


W A K A S





1 comment:

Lawfer said...

hndi m aq asawa...inay! lolz

kakalungqt naman :(